Pinoy Dream Lack-ademy
[Kakatanggap-tanggap ko lang ng text na nag-declare na si Chancellor Arcadio na walang pasok sa UP Manila maliban sa PGH dahil sa bagyo. Yehey! Wala akong pasok bukas. May lecture pa naman ako sa mga 3rd year med students at may workshop sa mga health workers ng Pasay sa hapon. Saya! Na malungkot din. Nakaka-miss din yung community ko sa Pasay. Sayang din yung time ng mga students- two weeks lang ang rotation nila sa Pasay. Lugi sila kumbaga. Tsk. Swerte yung iba na nakapagturo sa mga nanay kahit sa masikip na eskinita (tulad ni James at Miguel) o sa tabi ng burol at mga manok na panabong (na ginawa nina Amiel, Iris, Rommel, at Gerome).
What follows is an entry I posted in my old blog last 08/24/06, a couple of hours after a workshop with our Pasay team. It opened my eyes further to the realities of life among the urban poor, which gave impetus for me to work harder with my GK and UP communities.]
Kanina, nagkaroon kami ng isang talakayan kasama ang ilang community health workers sa Pasay. Habang binabaybay namin ang kalagayang pangkalusugan sa kanilang pamayanan, pinatukoy namin sa kanila kung ano, sa kanilang palagay, ang mga pangunahing suliraning pangkalusugan dito. Ang kanilang mga 20 o mahigit pang naging katugunan ay nabuod sa limang pangunahing problema:
Malnutrisyon
Kakulangan sa kaalamang pangkalusugan
Isyu sa family planning
Koordinasyon sa barangay at ibang lupon
Kalinisan
Patuloy pa kaming nagtalakay upang maungkat talaga kung saan nagmula ang mga problemang ito. Sa katatanong at katatanong, lumabas na kahirapan ang punu’t dulo ng lahat. Oo nga naman. Pera- o mas tama yata na ang KAKULANGAN nito ang ugat ng mga naturang listahan ng problemang pangkalusugan. At bakit hindi- araw-araw ay saksi ang mga kausap naming community health workers dahil sila’y pawang nakatira sa matatawag nating squatter communities.
Subali’t di ako ‘nakuntento.’ Hinamon ko muli ang mga utak ng mga ka-miting ko. Ang tanong ko- kahirapan nga ba ang punu’t dulo ng lahat?
Matapos ang ilang segundo, dumagsa ang mga tugon na, aamin ko, hindi ko inaasahan.
Na ang mga suliranin nila ay dahil sa kawalan ng presensiya ng Panginoon sa kanilang buhay. (Hindi ko muna tatalakayin. Mahaba-habang usapan ito.)
Na ang mga suliranin nila ay dahil sa kawalan ng pangarap sa buhay ng mga tao sa kani-kanilang mga pamayanan.
Kawalan ng pangarap.
Wow.
Ngayon ko lang yata narinig ang konsepto na ‘to matapos ang ilang panahon.
Halong lungkot, pagtataka, ngitngit, pagkamangha (sa negatibong paraan), at pagkagulat ang mga damdaming kumawala sa akin nang marinig ko ang pahayag na ito ng isang health worker.
Eh dok, kuntento na sila sa kinalalagyan nila. Kahit may basura sa paligid nila, napakarami nilang anak, o may anupamang problema, basta nakakaraos pa naman sila sa araw-araw na pangangailangan, okay na sa kanila yun. Hindi na sila nangangarap.
Pwede pala yun- ang hindi na mangarap.
Bakit kaya ayaw na nilang mangarap?Gusto kong isipin na kasi kuntento na sila sa kanilang mga buhay kaya hindi na sila nangangarap. Yun bang dahil mababa lang naman ang kanilang inaasahan sa kanilang tadhana, at sa araw-araw ay hindi naman sila binibigo nito, sapat na yun. Kumbaga, hindi naman na sila nangarap na maka-90% sa math at ang itinakda nilang marka sa sarili ay 70% lamang. Pagtungtong ng grade nila sa 70.1%- deal na agad sila. May 0.1% pa ngang bonus e.
Okay din kung tutuusin. Hindi sila maluho sa katawan.
Pero-
Sa tingin ko, pagod at takot na silang mapaso sa kakapangarap na wala namang katuparan. Kung ‘natupad’ man, hindi rin ganoon katanggap-tanggap sa kanila. Lalo na ang mahihirap sa lungsod. Bugbog na sila sa pangako at mga proyektong sinisimulan ng mga ningas-kugon na indibidwal o samahan kaya nga ba’t kaysa umasa- huwag na lang. Sa tingin ba natin, yung gamu-gamong lumapit sa dila ng apoy sa lampara, umulit pa sa pagsuway sa nanay niya? (Marahil hindi na, kasi natupok na siya. SLN [sumalangit nawa].)
Kung anuman ang dahilan nila, nakakalungkot pa ring isipin na may mga taong nabubuhay nang walang pangarap. Paano kaya yun- para lang siyang robot na hinahayaang dumaloy ang mga araw, tanggap na lang nang tanggap kung anuman ang ibato ng tadhana, kung saan man siyang estado ng buhay ilagay?
Mula pa kanina nung naghiwa-hiwalay kami ng mga alas-5 ng hapon, hanggang ngayon (1.24am) iniisip ko pa rin sila, yung mga hindi na nangangarap. Kasi kahit mangarap sila- wala namang oportunidad na matupad ang mga pangarap? Kasi basta kumakain ng tatlong beses sa isang araw e sapat na? Kasi kung darating ang biyaya- darating at darating siya- mangarap ka man o hindi?
Yung mga nangangarap- sakim ba sila sa paghahangad nang kung anuman ang wala pa sa kanila? Yung mga hindi na nangangarap- mas mabubuti ba sila kasi hindi na sila ninanais makamit ang mga bagay-bagay na higit pa sa mayroon sila sa kasalukuyan?
_-=+=-_
Sinimulan ko itong isulat sa Ingles pero hindi ako makausad-usad. Marahil ay nakagat ako ng surot na kampon ng mga tagapangasiwa ng Buwan ng Wika...
Labels: Being a teacher, the Philippines, the UP College of Medicine, thinking aloud
0 Comments:
Post a Comment
Thank you for visiting my blog!
You may also want to visit my photoblog a lonely planet it is not.
Have a great day!
<< Home