Strike, spare, kanal
[originally posted in my old blog, while torrential rain fell, and I began missing my parents tremendously: 9/16/06]
Naalala ko noon, kapag malakas ang ulan, ang kulog at kidlat, sinasabi ng nanay ko na nagbo-bowling daw sina San Pedro sa langit. Tapos kailangang takpan ang mga salamin, at ang tv. Kapag amoy alimuom na, kailangang uminom ng malamig na tubig. Magbilang lang kami ng ilang minuto, brownout na agad noon kapag malakas ang ulan. Tapos ilalabas na yung kandila. At yung scrabble.
Kapag araw naman umulan, at swerteng hindi kumukulog o kumikidlat, liguan na yan sa ulan. Siguro dahil hikaos kami sa palaruan, kaming mga laki sa subdivision, nagkakasya na kami na magtampisaw sa gutter, kinakalbo yung bugambilya namin, paunahan ng dahon na makarating sa drainage. Masaya noon kapag umuulan. Kasi walang pasok.
Nung nag-high school na kami sa Maynila, kaibigan pa rin ang ulan. Yun nga lang, dahil sa Laguna kami nakatira, nasa tarangkahan na kami ng eskwelahan kapag lumalabas yung kalatas ni Nilo Rosas na walang pasok sa NCR. Pero sino ba naman kami para magalit. Ang bakasyon ay bakasyon.
Tapos nung lumaki-laki na ako, yung ulan parang pananda na siya ng lungkot. Yun bang stuck ka sa dorm, di makauwi ng bahay dahil pihadong walang masasakyan dahil sa lakas ng ulan. O kung makulit ako’t nakipagsapalaran, daig ko pa ang mga yagit sa sobrang pagkabasa sa pagluwas sa amin. Bagaman hinding hindi ko malilimutan yung lumusong ako sa hanggang bewang nab aha diyan sa may Philcoa sa may Masaya papuntang UP Village. Kahit na pumasok na yata sa kaibuturan ng kaluluwa ko ang lahat ng mikrobyo sa mundo dahil sa paglusong ko na iyon, tawa pa rin ako nang tawa habang naglalakad kasama ang mga basura at ibang tinaguriang biyaheng Hapon. Basta.
Tapos nung nagpatuloy pa ako sa medisina, yung ulan e nagbabadya ng kakaunting pasyente sa ospital: nagpapatila rin yung mga maysakit. Ang kabaliktaran nga lang e yung mga talaga napapasugod sa ospital bagaman may bagyo e yung mga pasyenteng pangit na talaga ang lagay o sinasabing toxic. Kabahan ka na.
Hanggang sa lumaon, umulan o umaraw, kung duty ka, duty ka, kesehodang baha sa Taft at kailangan mong magpedikab patawid ng PGH. Maaatim mo ba na tigmak sa baha yung medyas mo na 36 hours mong suot. Di ko na pinanghihinayangan yung 20 pesos na bayad ko kay manong.
Hanggang sa makaalpas na ko sa ospital. Ang ulan, badtrip, trapik, baha sa kalye, hassle sa date, sa trabaho, sa pag-uwi, sa gimik, sa sampay, sa bagong carwash na auto, sa balat na sapatos.
Sana marinig ko ulit magbowling si San Pedro.
Labels: Being loved by my family, the Philippines
1 Comments:
and my kiko lives to tell the tale... =p your blogs must be meant to keep this turtle sane in her shell... miss you terribly! see ya soon!
Post a Comment
Thank you for visiting my blog!
You may also want to visit my photoblog a lonely planet it is not.
Have a great day!
<< Home